Sociology111 Reflection Paper: Deviance
Noong kami’y sinabihan na magfi-film daw ng sarili naming paglabag sa mga norms, maraming bagay ang pumasok sa isip ko. Naisip ko ang posibleng reaksyon ng mga tao, ang mga mukha ng mga makakakita sa amin, at ang kahihiyan na naghihintay. Napatawa ako, “Naku! May mag-mumukhang tanga talaga nito.” Kabang-kaba ako at iniisip ko pa ang “image” ko. Ano nalang kaya ang sasabihin ng mga kakilala ko kung makikita nila ako? Ano ang irarason ko? Hello, deviance.
Sa bawat komunidad, mayroon silang sariling mga pamantayan o norms. Ito ang mga ekspektasyon sa ating kilos o pag-uugali. Ang paglabag nito ay tinatawag na deviance. Binigyan kami ng pagkakataon ng asignaturang Sociology na makaranas nito.
Pinag-uusapan pa namin ng aking mga kagrupo ang aming gagawin para sa filming. Marami na kaming naisip na mga gimik kung paano namin ilalabag ang mga pamantayan. Planning time. Exciting pa. Tawa kami ng tawa. Di ako makapaniwalang gagawin ko yung mga napag-usapan namin pero naisip kong marami naman kaming gagawa noon kaya di ko naramdaman ang hirap at mas naisip ko pa na masaya yun. Para kaming nasa Wow Mali . Sila yung bida, kami yung accomplice na namimiktima. Pero hindi pala. Akala lang namin yun. Biglang umikot ang gulong. Kung hindi ka nakapaghanda, mahihilo ka.
Nakarating na kami sa lugar. Nakahanda kaming lahat - kargado ng camera, mga plano , lakas ng loob, kapal ng mukha, at isang misyon. Tila humahangin pa nung papasok kami. Teneng! All eyes on us. Kinabahan ako. Wala pa nga kaming ginagawa, nakatingin na sila. Parang ayaw na gumalaw ng mga paa ko. Paralyzed na. Umatras na rin sina “lakas ng loob” at “kapal ng mukha”. Naisip ko’ng hindi pala talaga madali. Pero the show must go on. Hindi nagtagal ay sinimulan na namin ang deviance. Suspense thriller na medyo may halong comedy! Pumwesto na ang mga kukuha ng video. Pinagpawisan ako. Halatang may kalokohang gagawin. Hindi ko na isasalaysay kung ano ang ginawa namin dahil trabaho na iyon ng video na inihanda namin. Hindi naging madali ang aming misyon. Ilang beses kaming nabigo. Epic fail. Hindi nakisama yung mga tao. Mga kill joy. Pero di mo sila masisisi. Kung ako rin naman siguro ang nasa lugar nila, eh ganun din ang magiging reaksyon ko. Masaya yung unang attempt namin. Napalingon sila. May batang babaeng tumitig sa akin. Nabigla siguro. Napatawa ako sa isip ko, “Effective, effective!”
Kapag pinag-uusapan ang deviance, hindi mawawala sa usapan ang norms. May mga norms na hindi nakapagmamatwid o irrational. Nagiging batayan sila sa pagsusuri kung ano ang pag-uugali ng tao. Kung iisipin mo, ano pala ang masamang maidudulot kung maglalakad ang lalaki na naka-makeup, umutot ka sa harap ng maraming tao, o kung hindi nag-ahit ang babae ng kanyang kilikili? Nakamatay ba ang mga iyon? Pero sa ayaw man natin o sa gusto, sumusunod parin tayo sa norms para mag-conform. Kung lalabag tayo, male-label tayo na walang breeding o bastos. Ngunit kahit na irrational kung tatawagin ang norms, nakakapagsama-sama ito ng lipunan. Kung lahat tayo ay may kanya-kanyang pag-uugali o kilos, walang pagkakaisa na mangyayari. Dahil sa pamantayan, mayroong pagkaka-ayos at batas.
Ang pagiging deviant ay nag-iiba depende sa tao o sa lipunan. Ito’y nagbabago rin sa paglipas ng panahon at sa pagbabago ng kapisanan. Ang batayan ay napaka-dinamiko. Maaring deviant kung tatawagin ngayon, pero normal na kinabukasan. Di natin alam, pabaliktad na pala’ng maglakad ang mga tao paglaon ng panahon. Maaring magbago ang norms ng ating lipunan, iikot ng 180 degrees.
Nahiya, nahirapan, nag-enjoy, natuto. Nalaman ko ang importansya ng pamantayan. Naintindihan ko kung ano ang deviance. Nakakahiya man, magandang pagkakataon iyon na maranasan kung ano ang pakiramdam na lumabag sa pamantayan. Liberating. Sa loob ng ilang oras, nawala ang mga bawal gawin. Naging weirdo at freaks kami sa harap ng mga tao kahit sandali lang. Tinawanan, tinignan, pinag-usapan. Instant celebrity.
Iba ang pakiramdam kapag kakaiba ka sa nakararami. Iba ang pakiramdam ng tinititigan ng iba. Iba ang pakiramdam ng napapansin ka kaagad. Iba. Hindi yung “iba” na masaya o magandang pakiramdam. Ito yung “iba” na parang nagkakaroon ng isang pader sa pagitan mo at ng komunidad. Outcast. Far out. Pakiramdam mo tuloy mahirap nang humarap sa kanila. Para ka’ng naglalakad na walang ulo. Parang naririnig mi sila’ng pinag-uusapan ka. Nakaka-paranoid. Maganda sana kung lahat ng tao ay makaka-intindi nito. Maganda sana kung bawat isa ay marunong makiramdam sa iba. Kung sana lahat ng tao ay nakaranas na maging deviant. Hindi sana magiging makitid ang utak nila.
Bakit ba tayo nagda-drive sa kanan? Bakit tayo pumapasok sa entrance at lumalabas sa exit? Bakit ang mga lalaki nanliligaw at hindi ang babae? Bakit may comfort room na female at male? Bakit tayo nakaharap sa pintuan ng elevator kapag nakasakay tayo doon? Sino ang salarin? Guilty. Deviance.